Makalipas ang dalawampung taon, eto umakyat ako muli, kasama ang mga bagong kaibigan - mas bata, mas malakas, mas maliksi kaysa sa akin. Bago ako umakyat, marami akong takot at tanong:
Parang mahirap.
Kakayanin ko pa ba?
Ayokong maging pabigat.
Pero paano kung hindi ko na pala talaga kaya?
Nakakahiya.
Sa aking pag-akyat ko ng Mt. Batulao sa Nasugbu, Batangas - ang dami kong nadiskubre at naalala tungkol sa aking sarili at sa buhay ko.
1. Maraming magagandang tanawin maski sa paanan ng bundok. Ngunit ito ay nasisilip lamang dahil natatakpan ng mga bahay, ng nagtatangkarang talahib at ng mga higanteng puno. Katulad ito ng mga plano ng Diyos sa buhay natin - hindi natin nakikita ang kabuuan ng kanyang biyaya, puros patikim, hangga't hindi natin maaabot ang tuktok ng bundok, na kung saan masisilayan ang kabuuan ng kanyang magandang plano.
2. Kailangang madapa, madulas, at masaktan sa paglalakbay paakyat ng bundok - dahil dito tayo tumatatag at natututo. At kapag pagod na, pwedeng huminto - pawiin ang uhaw na lalamunan at pagpahingahin ang pagod na katawan. Sa oras na sapat na ang lakas, kailangang ipagpatuloy na ang pag-akyat.
3. Kailangang matuto tayong magtiwala - sa sarili, sa mga kasama at lalong lalo na sa Diyos. May mga bagay na kaya natin mag-isa pero may panahon na kailangan natin ang tulong ng iba. Na dapat buo ang tiwala natin sa Diyos na hindi niya tayo pababayaan basta't manatili lang tayo sa Kanya.
4. Minsan maliligaw ng landas, mali ang nalikuan, nalito kung saan ang daan. Dapat lang na kumalma, huminga ng malalim at bumalik sa tamang daan. Aminin nating tayo'y nagkamali - ang pag-amin ay hindi kahinaan. Mas lalo lang tayong maliligaw at mapapalayo kung patuloy tayong nagmamataas.
5. Mayroon tayong angking lakas at talino - na sa dami ng taong kumutya at namuna sa iyo - ikinubli mo ang mga ito at pilit itinago. Nagpanggap kang mahina at walang alam, para lang umangat ang iba at para wala nang gulo pa. At sa tagal ng panahong niloko mo ang sarili mo - naniwala ka sa kasinungalingan at sa pagtatakip mo. Ikaw ay mahalaga. Ikaw ay maganda. Ikaw ay matalino. Ikaw ay malakas. Ikaw ay matapang.
Ilan lang ito sa mga natutunan ko sa pag-akyat ko muli ng bundok - ito ang mga tumatak sa aking puso at isipan. Hindi ko ito magagawang maisip kung hindi ko inakyat ang Mt. Batulao. Ang saya sa pakiramdam na narating ko ang tuktok ng bundok - nakakaiyak - dahil sulit ang bawat butil ng pawis at sakit ng katawan. Na sa aking pagbaba, mayroon akong bitbit na bagong karanasan, kaalaman at lakas na mas nag-uudyok sa akin na harapin ang bukas.
May rason kung bakit ngayon ko lang inakyat ang Bundok Batulao at hindi noong mas bata pa ako. Dahil may dapat akong matutunan sa karanasang ito na hinding hindi ko maiisip noong kinse anyos lang ako.
Tama sila. Lahat ay may tamang panahon. Kailangan lang maghintay. Kailangan lang magtiwala.
Tara! Akyat tayo!
No comments:
Post a Comment